Lalaki hulog sa forklift, patay

Patay ang isang 20-anyos na maintenance matapos itong mahulog sa ibabaw ng isang forklift na kanyang tinutuntungan habang naglilinis ng kisame ng kanilang warehouse sa lungsod ng Pasig, kamakalawa ng tanghali.

Dead-on-arrival sa Regina Salve Hospital ang biktimang si Jupiter Carallas, ng 316 Raminel Subdivision, Valenzuela City.

Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-12 ng tanghali nang maganap ang insidente sa loob ng warehouse na pinaglilingkuran ng biktima na nasa VCGT Compound, Brgy. Manggahan, Pasig City.

Nabatid na sakay ang biktima sa cage ng forklift na minamaneho ni Amadeo Pilos at nililinis nito ang kisame ng warehouse. Napag-alaman kay Pilos na pahintu-hinto ang andar ng forklift upang magkaroon ng oras na walisin ni Carallas ang kisame.

Nang itigil ni Pilos ang forklift sa isang bahagi na maraming agiw ay sinimulan na ng biktima na walisin ito subalit habang nililinis ay bigla na lamang bumigay ang cage ng forklift na kanyang tinutuntungan dahilan upang bumulusok ito pabagsak sa semento. Unang tumama ang ulo nito sa semento mula sa ibabaw ng forklift na may taas na pitong metro dahilan upang magtamo ito ng matinding pinsala.

Napag-alaman sa pulisya na dalawang buwan pa lamang nagtatrabaho ang biktima sa warehouse. (Edwin Balasa)

Show comments