Sekyu ninakawan na, ginilitan pa

Isang saksak sa leeg ang tumapos sa buhay ng isang security guard makaraang saksakin ito ng hindi pa nakikilalang suspect at tangayin ang kanyang service firearm sa binabantayan nitong gusali sa Brgy. South Triangle sa Quezon City.

Halos malaslas ang leeg ng biktimang si Jesus Glimer, ng Gamel Towers Security and Allied Services at naninirahan sa 56 Durian St., Project 2, Quezon City.

Batay sa ulat ng QC Crime Lab, naganap ang krimen dakong alas-6:30 ng umaga sa compound ng No. 819 Bernny Realty Corporation sa kahabaan ng Edsa, Brgy. South Triangle.

Ayon sa saksing si Nelson Dante Sr., 41, caretaker sa gusali, nakita niyang patay na ang biktima bandang alas-7 ng umaga kahapon kung saan nawawala umano ang wallet at ang service firearm na kalibre .38 baril.

Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya na nag-iisang nagbabantay noon ang biktima sa puwesto nang lapitan ng hindi nakikilalang suspect at saksakin na lamang sa kanyang leeg.

Patuloy naman ang isinasagawang pagsisiyasat ng mga tauhan ng Scene of the Crime (SOCO) sa naturang insidente. (Doris Franche)

Show comments