Barangay Captain sa Caloocan kinasuhan

Nahaharap sa criminal at administrative case ang isang barangay captain ng Caloocan City makaraang bugbugin nito at paluin ng baril sa mukha ang kanyang nobya, kahapon ng madaling-araw sa nabanggit na lungsod.

Personal na nagtungo sa Women’s and Children’s Desk ng Caloocan City Police ang biktima na si Melissa Dulla, 24-anyos at residente ng #163 Nadurata St., corner 9th Avenue, Caloocan City at sinampahan ng reklamo si Bgy. Captain Otillo Ocampo, 45-anyos, ng Bgy. 136, Bagong Barrio, Caloocan City.

Nabatid na nangyari ang insidente dakong alas-3 ng madaling-araw sa loob ng pamamahay ni Dulla.

Una umanong kinumpronta ni Ocampo si Dulla at sa hindi malamang kadahilanan ay sinampal siya ng una at itinulak pa sa dingding.

"Nabigla ako sa ginawa niya kaya lumaban ako at ginantihan ko siya ng sampal sa mukha", ayon kay Dulla.

Sa puntong ito ay lalo umanong nagwala si Ocampo at pinalo nito sa mukha si Dulla ng kanyang .45 kalibre na baril.

Binalaan pa umano ni Ocampo si Dulla na pasasabugin nito ang mukha ng biktima na labis namang ikinatakot ng huli. (Rose Tamayo)

Show comments