Batay sa report ng pulisya, dakong alas-5 ng hapon kamakalawa nang salakayin ng Caloocan City police ang Y & C Export and Import Video Games Corporation sa P. Jacinto St. at madakip sina Mark Chuang at Alexander Tan.
Lumilitaw na nakatanggap ng impormasyon ang pulisya hinggil sa ilegal na operasyon ng mga suspect kung kayat agad na tinungo ng mga operatiba kung saan 15 kabataan ang nakitang naglalaro dito.
Bineberipika naman ng pulisya ang mga sticker ng PAGCOR na nakadikit sa mga makina sa pangambang peke ang mga ito.
Samantala, 26 na katao din ang dinakip sa Pasay City kabilang ang isang negosyante na umanoy nagmamantina ng ilegal na sugal.
Sinalakay ng Pasay City Police ang Monica condominium sa Gil Puyat Ave. Pasay City kasabay ng pagkakadakip sa ilang tauhan dito na kinabibilangan nina Mon Montescarlos, alyas Pokemon, 49, negosyante; Bryan Malantic, 28, tournament director; Jyahn Alpajo, 20, card dealer at Kenneth Tejada, 23, waiter.
Ayon sa pulisya, nakatanggap sila ng impormasyong pugad umano ng ilegal na pasugalan ang condominium tulad ng poker.
Subalit ang akusasyon ay mariing itinanggi ni Montescarlos sa pagsasabing hindi gambling den ang kanyang lugar at sa halip ay lehitimong non-government organization na naglalayong itaguyod ang sportsmanship ng manlalaro. (Rose Tamayo at Lordeth Bonilla)