Batay sa nakalap na impormasyon mula kay Bureau of Customs-NAIA District Collector Ricardo Belmonte, ang hot cargo na tumitimbang ng 457 kilos ay ipinadala ng JGA Trading at naka-consigned sa Raduga PTE Ltd. sa ilalim ng Airway Bill No. 618-1425.
Nakatakda na sanang isakay sa Singapore Airlines flight SQ-073, dakong alas-11:30 kamakalawa papuntang Lion City ang kargamento nang pigilan ito ng mga ahente ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) na mailabas ng bansa.
Ayon kay Senior Officer 1 Victor Asuncion, team leader ng CIIS na nakatalaga sa Pair Cargo International warehouse, nakatanggap sila ng tip na ang mga kahon ay hindi naglalaman ng mga electronic goods kundi mga high-end cellphones na taliwas sa ideneklara ng shipper nitong JGA Trading.
Sa isinagawang follow-up operations, napag-alaman na isang lady broker ang pinaniniwalaang "mastermind" sa likod ng tangkang pagpuslit.
Napag-alaman rin na hindi ito ang una at pangalawang pagkakataon na ang nasabing suspect na pansamantalang hindi pinapabanggit ang pangalan ang nasa likod ng nasabing ilegal na transaksiyon.
Ang mga nakumpiskang shipment ay kaagad na dinala sa BoC Collectors Corral para sa safekeeping makaraang magpalabas ng seizure and detention order si Belmonte. (Butch Quejada)