Sa labing-apat na pahinang desisyon ni Judge Bonifacio Maceda, ng Branch 275 ng Las Piñas City RTC si Joseph Mostrales ay hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo sa kasong murder.
Samantala, ang dalawa pang akusado na sina Erlindo Torres at Jaime Centeno ay hinatulan naman ng 14 na taong pagkabilanggo sa kasong accessory to the crime lamang at hindi sa aktuwal na pagpaslang kay Cervantes.
Nabatid na ang mga akusado ay nakapiit sa National Bilibid Prison dahil sa hiwalay na kasong kidnapping na kinasasangkutan ng mga ito na naganap sa Mandaluyong City.
Sa isang social hall na nagsilbing court room sa Bilibid isinagawa ang pagdinig sa kasong pagpaslang kay Cervantes na isinagawa dakong alas-10 ng umaga.
Bukod sa mga nabanggit na parusa, pinagbabayad din ng korte ang mga akusado ng kabuuang halagang P293,000 bilang danyos perwisyo.
Matatandaan na si Cervantes ay pinagbabaril at napatay noong gabi ng Disyembre 31, 2001 habang pasakay sa kanyang kotse sa harap ng isang convenient store sa Las Piñas City.
Hindi naman kuntento ang pamilya Cervantes sa naging hatol ng hukuman sa kabila na iginagalang nila ang desisyon nito.
Ayon sa ina ni Cervantes na si Carol Cervantes na hanggat hindi naaaresto at napaparusahan ang mga utak sa kaso na sina Col. Rafael Cardeno at Sonny Camacho ay hindi lubos na magiging kampante ang kanilang pamilya.(Ulat ni Lordeth Bonilla)