Si Arnel de Leon ng 102 P. Burgos St. 10th Ave. Caloocan City ay namatay matapos na saksakin sa likuran ng suspect na nakilala sa pangalang Rap-Rap dela Cruz na umanoy kilalang addict sa lugar.
Dakong ala-1 ng madaling araw ng abangan ng suspect at saksakin sa likuran ang biktima habang papauwi sa kanyang bahay.
Ayon sa pulisya, posibleng may atraso si de Leon sa suspect kung kayat ginantihan ito ng huli. Gayunman, nagsasagawa pa rin ng manhunt operation ang pulisya.
Samantala, nasawi din si Gerard Alibay, 17, habang ginagamot naman ang mga kaibigan nito na sina Christopher Candelaria, 16 at Crisanto Tolentino, 15. Pinaghahanap naman ang suspect na si Ricardo Galon, kapitbahay ng mga biktima.
Lumilitaw sa pagsisiyasat ng pulisya na sumilong sa isang tindahan sina Alibay, Candelaria at Tolentino upang magpatila ng ulan. Nadaanan ito ng suspect kasama ang ilang kaibigan at pinagbantaan ang mga ito na itutulak sa ilog kung hindi aalis sa pinagsisilungang tindahan.
Dahil sa lakas ng ulan hindi nagawa ng tatlo na umalis kung kayat muli itong nadatnan ng suspect at biglang itinulak sa ilog.
Bagamat nakaligtas sina Candelaria at Tolentino, nagtamo din ang mga ito ng sugat habang inanod naman ng agos si Alibay.
Agad namang nakahingi ng tulong sina Candelaria at Tolentino at nakuha ang katawan ni Alibay matapos ang isang oras.
Ayon sa pulisya ang suspect ay kilalang adik sa lugar at matagal ng inirereklamo ng mga residente. (Ulat ni Rose Tamayo)