Kabilang sa mga hinatulan ng bitay ay sina Dick Esrael, 38; Ramil Olivar, 34; Nestor Boyonas, 33; Joel Ruiz, 24; Carlos Ruiz, 61, na dating pulis at Jesse Marcaida, 58.
Base sa 25 pahinang desisyon ni Judge Teresa Soriaso ng MRTC branch 27, naganap ang insidente noong Disyembre 10, 1998 dakong alas-6 ng umaga nang harangin ng mga akusado ang sinasakyan ng mga biktimang sina Mary Grace Yao, 19, at Michelle Yao kasama ang driver nilang si Tirso Barizo.
Kaagad umanong bumaba ang tatlong armadong kalalakihan na sina Ruiz at Esrael at tinutukan ng baril si Barizo saka mabilis na pinababa ng sasakyan ang mga biktima. Pinalipat ang mga ito sa sasakyang dala ng mga suspect at saka mabilis na tumakas patungo sa direksyon ng Roxas Boulevard papuntang Coastal Road sa Batangas.
Sa salaysay ng mga biktima, huminto sila sa isang resort at mabilis na hinila sina Mary Grace at Tirso. Huling ibinaba ng sasakyan si Michelle.
Habang tumatakbo ang sasakyan ay pinagbawalan sila ng mga suspect na tumingin sa bintana subalit alam ni Michelle na patungo sila sa Batangas City dahil sa pag may pagkakataon ay sumisilip siya sa bintana at nakita niya ang sign board na going to Matabungkay Beach.
Umaabot sa P30 milyon ang hinihinging ransom ng mga suspect sa pamilya ng magkapatid.
Tumagal sa kamay ng mga suspect ang mga biktima hanggang Disyembre 18, 1998 makaraang ma-rescue na sila noon ng binuwag na Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF) kung saan dalawa sa mga kidnappers ang napatay.
Bagamat pinabulaanan naman ng mga akusado ang nasabing akusasyon, gayunman sinabi ni Judge Soriaso na matibay ang testimonya ng mga biktima at ilang witness na iniharap ng prosekusyon.(Ulat ni Gemma Amargo)