Shootout sa Malabon: 1 pulis,1 suspect sugatan

Isang kagawad ng Malabon City police ang malamang maputulan ng paa, habang isa naman sa tatlong armadong suspect ang nasugatan matapos tambangan ng grupo ng huli ang mga nagpapatrolyang mga pulis, kamakalawa ng gabi sa Malabon City.

Kasalukuyan ngayong sumasailalim sa operasyon sa Chinese General Hospital bunga ng tinamong tama ng bala sa kaliwang paa ang pulis na si PO1 Anthony Hernandez, habang ang isa sa mga suspect na nakilala namang si Gregorio Bernardo, alyas Gary, 34, na sinasabing pangalawa sa most wanted person sa nabanggit na lungsod ang nasugatan at ginagamot sa Manila Central University (MCU).

Pinaghahanap naman ang dalawa pang kasamahan ng suspect na ang isa ay kinilalang si Badong Montiero.

Batay sa ulat pulisya, naganap ang insidente dakong alas-11:30 ng gabi sa panulukan ng Gen. Luna at Gov. Pascual Avenue sa barangay Concpecion sa Malabon.

Nakasakay umano ang grupo ng mga pulis sa isang owner type jeep nang bigla na lamang tambangan ng grupo ng mga suspect.

Nabatid na nagkaroon ng halos isang oras na pagpapalitan ng putok sa pagitan ng magkabilang panig na dito tinamaan ang pulis na si Hernandez at suspect na si Bernardo.

Hindi pa rin mabatid kung ano ang motibo sa isinagawang pananambang sa mga pulis. Isang masusing imbestigasyon pa ang isinasagawa. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments