Kinilala ni Caloocan City Police chief Supt. Benjardi Mantele ang suspect na si Salonga Romuros, alyas Omar, 35, tubong Zamboanga City at kasalukuyang naninirahan sa 504 Salam Mosque Compound, Libayan St. Tandang Sora, Quezon City.
Ang suspect ay inaresto ng Caloocan police dakong alas- 10 ng umaga sa mismong tahanan nito sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Silvestre Bello III ng RTC Branch 128 ng nabanggit na lungsod.
Base sa rekord, Pebrero 1, 2003 nang dukutin ng suspect at apat nitong mga kasamahan na pawang mga armado ng matataas na kalibre ng baril ang negosyanteng si Sacar Pangaranao sa bahay ng tatay nito sa Phase 12, Tala, Caloocan City habang natutulog ang biktima dakong alas-11 ng gabi sa nabanggit na petsa.
Ilang araw munang ikinulong ng mga suspect ang biktima sa isang ilang liblib na lugar sa Caloocan City at kanila lamang itong pinalaya matapos na makapagbigay ang pamilya ng ransom money na nagkakahalaga ng P30,000.
Patuloy pa ring pinaghahanap ang ilan pang kasamahan nito. (Ulat ni Rose Tamayo)