Iniutos ni Pangulong Arroyo sa lahat ng opisyal ng pamahalaan na pangunahan ang pagtatanim ng puno sa nasabing araw kabilang si MMDA chairman Fernando.
Sinabi ni GMA na malaki ang maitutulong ng Philippine Arbor Day upang mabatid ng mamamayan ang kahalagahan ng puno.
Inaasahan ng Pangulo ang lahat ng ahensiya ng gobyerno, mga pribadong sektor, pampubliko at pribadong paaralan para makiisa sa nationwide tree planting na ito sa June 25.
Magugunita na binatikos si Chairman Fernando ng mga pulitiko at environmentalists dahil sa pinagpuputol nito ang mga puno sa Kalayaan Avenue sa QC at tinangka din nitong putulin ang mga nakatanim na puno sa Julia Vargas sa Pasig subalit hindi pumayag si Pasig Mayor Soledad Eusebio.
Kabilang sa bumatikos kay BF sina Senate Minority Leader Vicente Sotto III at Majority Leader Loren Legarda na namumuno sa Luntiang Pilipinas sa ginagawang pagpuputol ng puno nito.
Iginiit nina Sotto at Legarda na malaki ang naitutulong ng mga puno at hindi naman ito nakakaperwisyo sa trapiko dahil nakatanim naman ito sa gilid ng kalye o nasa island. (Ulat ni Edwin Balasa)