Bomb threat sa MIAA

Binalot ng sindak ang mahigit 500 empleyado ng Manila International Airport Authority (MIAA) makaraang makatanggap ng bomb threat ang isang kawani ng MIAA ng text message na may sasabog na bomba sa loob ng Administration building.

Sa ulat na tinanggap ni MIAA General Manager Edgardo C. Manda mula kay Gen. (Ret.) Angel Atutubo, assistant general manager for security and emergency services (AGMSES), ang bomb threat ay natanggap bandang alas-12:43 ng hapon ni Micky Lamsin, radio operator ng airport command center.

Nakasaad sa text message na "May sasabog na bomba diyan sa loob ng admin mamayang alas-4 ng hapon."

Kaagad namang ipinagbigay-alam ni Lamsin ang kanyang natanggap sa mga kinauukulan. Kasalukuyan ding tini-trace ng mga awtoridad kung kanino ang cellphone na may numerong 0919-3982941.

Naantala ang lahat na gawain ng buong pwersa ng MIAA Administration bldg. nang iutos ni MIAA General Manager Edgardo Manda ang kanilang paglikas sa gusali.

Dinispatsa naman ni C/Supt. Jesus Verzosa, director ng PNP-ASG ang bomb experts ng Special Operations Unit at K-9 team na nagsagawa ng panelling sa buong gusali.

Matapos ang ilang oras na paghahanap sa bomba, idineklarang ligtas ang gusali nang walang natagpuan ang mga awtoridad subalit tuluyang ipinatigil ni Manda ang trabaho at pinauwing lahat ang empleyado. (Ulat ni Butch Quejada)

Show comments