Quiapo naging war zone

Nagmistulang war zone at pinagharian ng matinding tensiyon ang Quaipo Manila kahapon ng umaga makaraang umalma ang mga Muslim sa isinagawang operasyon ng Video and Regulatory Board laban sa mga pirated VCD’s.

Sa report ng Western Police District Station 3, nagkapormahan na at halos kuyugin ng mga Muslim ang mga elemento ng VRB at PNP-Special Action Force makaraang mapuno na umano ang grupo ng una partikular na ang mga vendor sa Barbosa St. hanggang sa Hidalgo St. ng salakayin ng mga awtoridad ang isang gusali sa Globo de Oro St. sa naturang lugar at kumpiskahin ang libu-libong mga pekeng VCD’s dito.

Nang papalabas na ang mga awtoridad ay biglang sumigaw ang isang Muslim ng "Allah Hu Akbar" at ilang sandali pa ay naglabasan na ang iba pang Muslim sa lugar at pinaligiran ang mga operatiba at ilang kagawad ng media.

Nauna dito, sinalakay din ng VRB ang PortArea Shopping Mall at nasamsam din dito ang maraming pekeng VCD, bago tuluyang nagpunta sa Quiapo.

Ayon pa sa pulisya, parang may plano na talaga ang mga Muslim dahil sa hudyat nilang pagsigaw ng "Allah Hu Akbar" na umano’y isang hudyat ng paglaban sa ngalan ng pangalan ni Alah at pagdurog sa mga taong umaagrabyado sa kanila.

Napag-alaman na pinaulanan ng bato at kahoy ng mga Muslim ang mga nagrespondeng pulis at kagawad ng VRB bago nakalabas ang mga ito sa nasabing lugar patungo sa Quezon Boulevard.

Ilang putok din ng baril ang narinig kaya’t napilitan na rin ang mga awtoridad na ihanda ang kanilang mga armas.

Walang iniulat na nasaktan o napatay sa nasabing insidente na nagdulot ng matinding tensiyon. (Ulat ni Grace dela Cruz)

Show comments