Walang nakuhang anumang mapagkakakilanlan sa mga biktima na natagpuan sa likod na bahagi ng Mitsubishi L-300 van na walang plaka. Ito ay natuklasan ng MMDA traffic enforcer na si Nestor Bermijo dakong alas-2:45 ng madaling araw.
Ayon kay Chief Inspector Ruel Vacaro ng SOCO na ang mga biktima ay binaril ng malapitan dahil sa tinamo ng mga itong tama ng bala ng baril sa sentido, batok at mukha.
Lumilitaw sa deskripsyon ng pulisya na ang mga biktima ay pawang nasa gulang na 20 hanggang 30 at may taas na 54 hanggang 57 talampakan.
Isa sa mga ito ay nakasuot ng pulang t-shirt, maong na pantalon at kulay asul na rubber shoes na Treton; dark blue naman ang suot na t-shirt ng isa at maong na pants; ang ikatlo ay nakasuot ng checkered na polo at maong, rubber shoes na Adidas, samantalang ang huli ay nakasando at maong na pantalon.
Sinabi ni Vacaro na walang tattoo ang mga biktima bagamat may nakuhang isang backpack na naglalaman ng ibat-ibang ATM card, ibat-ibang ID, mga wallet at bala ng .38 cal. rev.
Naniniwala ang pulisya na hindi sa EDSA pinaslang ang mga biktima kundi sa ibang lugar at doon na lamang iniwan upang iligaw ang imbestigasyon ng pulisya.
Kasabay nito, bineberipika sa LTO kung sino ang nagmamay-ari sa sasakyang pinagtagpuan sa apat. (Ulat ni Doris Franche)