Misis kinatay ni mister

Pinagtataga hanggang sa mapatay ang isang 45-anyos na ginang ng kanyang sariling mister matapos umanong magpumilit ang una na umalis ng bahay para maghanap ng trabaho, samantalang isa pa nilang kapitbahay ang nasugatan dahil sa pag-awat nito sa mag-asawa kahapon ng tanghali sa Mandaluyong City.

Nakilala ang nasawi na si Elena Baldoza, ng Block 28, WelfareVille Compound, Barangay Addition Hills ng nabanggit na lungsod matapos itong tadtarin ng taga sa ibat-ibang bahagi ng katawan.

Nakilala naman ang suspect na mister na si Manuel Baldoza, 47, na nakapiit ngayon sa Mandaluyong City Police detention cell.

Samantala, sugatan naman ang isa nilang kapitbahay na nagtangkang umawat sa away ng mag-asawa na nakilalang si Reynaldo Ramirez,50, na nagtamo rin ng mga taga sa katawan.

Base sa isinagawang imbestigasyon ni PO3 Robert Eugenio, naganap ang insidente dakong alas-12:30 ng tanghali nang magpaalam ang biktima sa kanyang mister na aalis ng bahay at maghahanap ng trabaho.

Nagalit umano ang lalaki at hindi pinayagan ang babae. Dahil dito, nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng mag-asawa hanggang sa kumuha ng jungle bolo ang suspect na mister at saka inundayan ng sunud-sunod sa biktima.

Tinangka naman ni Ramirez na mamagitan subalit siya naman ang pinagbalingan ng suspect.

Matapos ang isinagawang krimen nagtangka pa ang suspect na tumakas, subalit hindi siya nakaligtas nang pagbabatuhin at pupugin ng kanyang mga kapitbahay.

Ayon sa pulisya, dati umanong mental patient ang suspect. (Lordeth Bonilla)

Show comments