Nagdaramdam sa ina

Dear Dr. Love,

Nasa pag-aalinlangan po ako ngayon kaugnay sa pagsama sa aking nanay sa America.    

Nag-migrate po ang nanay ko sa America at nag-asawa na rin po siya uli doon. Ipinitisyon niya kami ng aking kapatid na si Boyet gaya ng kanyang pangako noon.

Ilang buwan pa lamang po ang nakakaraan simula nang sumakabilang buhay si tatay dahil sa alta presyon, dulot ng kanyang sakit na diabetes. Si nanay po ang tumustos sa lahat naming­ pangangailangan, maging ang mga gas­tusin ni tatay hanggang sa mailibing siya.

Ang totoo po ay may pagdaramdam ako sa aking nanay, dahil tatlong taon simula nang ma-stroke si tatay ay iniwan niya. Naging bed ridden po siya dahil sa pagkaparalisa ng kalahati ng kanyang katawan.

Dalawang taon pa lang si nanay sa Ame­rica nang magpadala siya ng divorce paper kay tatay. Dahil magpapakasal na siya roon para maging American citizen.

Ipinagtapat ko po sa aking lola (mother side) na hindi ako excited at may pag-aalinlangan sa aking kalooban na iwanan si tatay. Pero ang sabi ni lola, kinailangan ni nanay noon na umalis para kumita ng malaki at maipagamot si tatay. Gusto rin po ni lola na sumama na kaming magkapatid sa aming ina sa America dahil matanda na sila ni lolo.

Dr. Love kung sana lang po, hindi kami menor de edad ni Boyet at kaya kong itaguyod ang aming­ pag-aaral, hindi po kami aalis.  Payuhan mo po ako, Dr. Love. 

Gumagalang at nagpapasalamat,

Shirley

 

Dear Shirley,

Ang pagtatanim ng sama ng loob sa kahit na kanino, lalo pa sa sarling magulang ay hindi makakatulong sa iyo. Maaaring sa iyong edad ay marami ka pang hindi talaga nauunawaan ng husto tungkol sa kalooban ng iyong ina at sa naging sitwasyon nila ng inyong tatay.

Bigyan mo ng pagkakataon ang iyong sarili na maunawaan ang iyong ina at manatili kayong pamilya. Alam ko na magiging malinaw sa iyo ang lahat sa takdang panahon. Happy trip!

Dr. Love                  

Show comments