Dumipende sa magulang

Dear Dr. Love,

Dati akong entertainer sa Japan. Nang hindi na nakabalik dahil sa paghihigpit sa pagkuha ng singer doon, naging tambay na lang ako hanggang sa makaisip na mag-asawa.

Ang nakursunadahan kong manliligaw na si Marlon ang naging asawa ko. Noong una inakala kong magbibigay sa akin ng maginhawang buhay. Pero nakasandal pala siya sa kita ng kanyang ina. 

Kaya malaking problema nang malugi ang negosyo ng mga magulang ni Marlon, lalo na nang magkasakit at pumanaw na ang kanyang mga magulang. Kahit pambili ng gatas ng mga bata ay hindi na magawa ng asawa ko.

Ang masaklap pa sa liit ng sweldo, nag­bisyo pa ng alak, sigarilyo at sugal. Kaya nang magkasakit, ang maliit na namanang lupa at siyang­ kinatitirikan ng aming bahay ay naibenta pa nang magkasakit si Marlon sa atay.

Dahil sa mga nangyayari ay nakaisip po akong mag-abroad uli kahit domestic helper. Tutol dito si Marlon dahil walang maiiwan sa aming mga anak. Gusto ko po itong ituloy kahit ipangutang ko na lang ang pambayad sa agency. Pagpayuhan po ninyo ako. Salamat po at mabuhay kayo.

Gumagalang,

Merlinda

Dear Merlinda,

Isa sa mahalagang leksiyon na itinuturo ng pag-aasawa ay ang pagtayo ng magkapareha, na mamuhay sa sarili nilang pagsisikap. Dahil ang pagdepende sa magulang o kahit kaninuman ay hindi makakabuti, lalo na kung namihasa na.

Subukan n’yo munang pag-usapan nang masinsinan bilang mag-asawa kung paano ninyo maigagapang ang inyong pamilya nang magkasama.

Kung may ibang paraan naman na makakahanap ka ng mapagkakakitaan at kung makikita mo ang pag-asa ng pagbabagong-buhay ng iyong asawa, pakinggan mo siya at huwag umalis.

Ngayon kayo dapat, higit na magpakatatag bilang mag-asawa para sa kapakanan ng inyong mga anak. Samahan mo ng panalangin ang bawat pagpapasiya para patnubayan ka ng Diyos sa lahat ng iyong gawain.

Dr. Love

Show comments