Dear Dr. Love,
Mula dito sa pambansang bilangguan, isa pong mainit na pagbati sa inyo at sa lahat ng kasamahan ninyo sa PSN.
Isa po akong inmate, Jerry Gumez po ang aking pangalan at walong taon na ang aking nabuno sa pagsisilbi sa sentensiya ng korte.
Nakapatay po ako nang hindi sinasadya nang tangkang pigilan sa panggugulo ng dating nobyo ng aking nobya noong ako’y namamanhikan sa kanila.
Hindi ko po akalaing sa paghahamon ng lalaking iyon sa akin ay armado siya ng baril. At sa aming pag-aagawan ay pumutok ito. Una inakala kong ako ang tinamaan pero siya pala.
Sumuko ako at nahatulan kaya nakakulong. Habang narito ako sa loob ay nabatid ko na lang na nag-asawa na ang aking nobya.
Kahit gumuhong lahat ang pangarap ko sa buhay, sinisikap ko ngayong makapagbagong buhay. Nag-aaral ako dito sa hangad na mabuong muli ang naunsiyaming mga adhikain sa buhay. Simple lang naman ang mithiin ko sa buhay. Magkaroon ng isang masaya at matahimik na buhay pamilya.
Kung mamarapatin po ninyo, nais kong matulungan ninyo ako na magkaroon ng mga kaibigan sa panulat.
Salamat po at dalangin kong magpatuloy pa ang kasiglahan ng pitak na Dr. Love.
Gumagalang,
Jerry Gumez
Student Dorm 232
MSC Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Jerry,
Hindi talaga ukol sa iyo si Angie. Ayon sa liham mo, dating nobyo ni Angie ang nadisgrasya mo. Noon pa lang naghahamon ang lalaking iyon, sana’y mayroong tumawag ng opisyal ng barangay kundi man mga pulis para masawata ang panggugulo niya.
Mayroon ding pagkukulang si Angie at ang kanyang pamilya sa insidenteng ito para hindi ka nasabak sa gulo.
Anyway, nangyari na. Mayroon ka nang leksiyong natutuhan dito at ito ay panatilihing kalmado at huwag padadala sa simbuyo ng galit o pagkainis para maiwasan na makagawa ng hindi nararapat.
Sana’y makatagpo ka ng maraming mga kaibigan sa panulat at isang babaeng mamahalin ka ng tapat anuman ang nakaraan mo.
God will guide you, tumawag ka lang sa Kanya.
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o PSN Libangan 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa psnlibangan@philstar.net.ph.)