Lulong sa sugal

Dear Dr. Love,

Isang pagpupugay ang ipinaaabot ko sa iyo at sa lahat ng mga sumusubaybay sa Dr. Love.

Sampung taon na akong avid reader ng PSN at ang kinagigiliwan kong basahin at ng buo naming­ pamilya ay ang iyong column. Hindi ko sukat akalain na isang araw, heto ako at humihingi rin ng iyong payo.

Itago mo na lang ako sa alias na Dante, 28 anyos at may-asawa. Matanda sa akin ng limang taon ang misis ko. Wala akong maipipintas dahil matagumpay siyang negosyante. Pero isang bagay lang ang inaayawan ko sa kanya at hindi ko siya mabago sa pagkaloko niya sa slot machine. Hindi ako sugarol pero napipilitan akong pumasok sa casino kapag susunduin ko siya. Ilang beses na naming pinag-aawayan ang kanyang pagsusugal hanggang sa sumuko na ako. Palibhasa’y mas malakas siyang kumita sa akin. Pero sana, mas maginhawa ang buhay namin kung hindi siya natatalo sa sugal na ito. Ano ang dapat kong gawin para mabago siya?

Dante

Dear Dante

Hindi ko alam kung gaano kalubha ang pag­susugal ng iyong misis. Pero talagang masa­mang bisyo ang casino. Mayroong iba na gina­gawa lamang itong libangan at may control sa sarili. Pero mayroong iba na talagang hindi tumi­tigil hangga’t hindi nauubos ang pera sa lukbutan.

Ang tawag sa pagkahumaling sa sugal ay ludomania at gaya ng ibang psychological disorder, baka kailangang dalhin mo ang iyong asawa sa psychologist o psychiatrist para magamot. Kung hindi pa naman nagkakasanla-sanla ang inyong mga ari-arian ay hindi pa marahil ito ma­lubha. Ngunit hihintayin pa bang umabot diyan?

Dr. Love

Show comments