Dear Dr. Love,
Ako po ay lumiham sa inyo para maibahagi ang kasaysayan ng aking nasilat na pag-ibig na siyang nagbulid sa akin dito sa madilim na bilangguan.
Noong una, ayaw kong manligaw. Takot akong umibig dahil sa kimi akong manligaw at isa pa, wala akong pirmihang trabaho. Paekstra-ekstra lang ako sa pamamasada sa side car at mahirap lamang ang aking pamilya.
Kahit anong pagtataboy sa akin noon ng aking ina na mag-asawa na raw ako para dumiretso ang aking buhay at maging responsible, ayaw ko siyang pakinggan.
Ang aking pamilya ay umaasa lang sa kita ng aking ama sa pamamasada ng jeepney pero nakakaraos naman kami sa oras. Gusto ko sanang magtrabaho ng matino pero mahirap maghanap ng trabaho kung walang mataas na edukasyong naabot.
Pero nang makilala ko si Rosy, nagbago ang timpla ng aking isip at paniniwala. Naging pasahero ko si Rosy minsan. Mula noon, nagpilit akong araw-araw mamasada para lang maabangan ko siya at maihatid sa kanilang tahanan mula sa pinaglilingkuran niyang karinderya.
Niligawan ko si Rosy kahit noong una ay nagkakasya lang ako sa ligaw-tingin. Kahit maliit ang kita ko sa pamamasada ng side car, pilit ko siyang niyayayang magpalamig o magmeryenda bago umuwi.
Binibilhan ko rin siya ng mumunting mga regalo na abot-kaya ng aking lukbutan. Hindi naman natagalan, sinagot na ako ni Rosy.
Palibhasa’y sano sa pakikipagrelasyon, ang akala ko, madadaan lahat sa regalo ang kanyang pagmamahal at katapatan.
Kung noong una ay nasisiyahan si Rosy sa potato chips at chocolates, nang magtagal na ang aming relasyon, mamahalin na mga regalo na ang kanyang inilalambing sa akin. Por Diyos, saan ba ako kukuha ng pambili?
Kaya minabuti kong magbakasakali sa paghahanap ng ibang trabaho. Hanggang sa masama nga ako sa isang grupo ng mga kawatan.
Alam kong napapaligaya ko si Rosy sa mga ibinibigay ko sa kanya.
Ilang ulit ding naging successful ang aming lakad ng grupo ng mga manggaggantso at holdupper.
Pero, hindi nagtagal ito dahil natiklo kami. Huling-huli sa akto. Nakapagtakbuhan ang mga kasamahan ko at naiwan ako kaya naaresto.
Ang akala ko, dadamayan ako ng mga kasamahan ko at lalagakan nila ako ng piyansa. Hindi pala. Kahit na si Rosy na pinasabihan ko sa nangyari sa akin ay naglahong parang bula.
Hindi ko ito ipinaalam agad sa aking pamilya. Alam kong matataranta sila. Sisisihin nila ako.
Ang saklap ng sinapit ko. Aminado akong mali ang aking ginawa. Namulat lang ako sa kamaliang ito nang makalaboso na ako at ngayon nga ay nalipat na sa pambansang bilangguan matapos kong aminin ang pagkakasala.
Ang laki kong tanga. Hindi pala puwedeng bilhin ang katapatan ng isang babae. Nabalitaan ko na lang na si Rosy ay mayroon nang ibang sugar daddy.
Leksiyon na ito sa akin. Nagsisisi na ako. Sa ngayon, nagsisikap akong magbago. Maraming salamat po sa pagbibigay pansin ninyo sa liham kong ito.
Sana mabasa ito ni Rosy para baguhin na rin niya ang style ng kanyang pagpapaibig sa lalaki na ang pangunahing interes ay mapakinabangan at mabilhan siya ng regalo.
Hanggang dito na lang po at muli, nagpapasalamat ako sa inyo.
Lubos na gumagalang,
Patricio
Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Patricio,
Tama ka. Hindi mabibili ng salapi at ng handog na mga regalo ang tunay na pagmamahal.
Ngayong nakilala mo na ang tunay na Rosy, sana sa muli mong panliligaw, hindi mo daraanin sa regalo ang pag-aalay ng pagmamahal sa isang chick. Anyway, natuto ka na ng leksiyon. Ang masamang gawa ay may sukling hustisya.
Sa kaso ng mga kasamahan mo, madulas lang sila pero darating din ang katarungan sa kanilang pambibiktima ng mga inosenteng tao na inaagawan nila ng pera at mga kagamitan.
Iba ang perang kinita sa pinagpawisang trabaho at sa malinis na paraan.
Kailangan din ang kaunting pagsisikap sa malinis na trabaho kaysa big-time agad na kita na mula naman sa pangungulimbat. Pagsisihan mo ang kasalanan mo para may mukha kang ihaharap sa iyong mga magulang.
Dr Love