Dear Dr. Love,
Hi and hello to you Dr. Love. Bumabati muna sa inyo pati na sa marami ninyong tagasubaybay ng very popular ninyong kolum ng isang mabiyayang araw.
Tawagin mo na lamang akong Cristy, isang domestic helper dito sa Singapore. Isang buwan na akong di-mapakali at napapansin ito ng aking mga amo. Lagi akong wala sa sarili. Nabalitaan ko kasi na may kinalolokohang babae ang mister ko.
Kumprimado ko ito dahil ang kapatid kong bunso mismo ang nagbalita. Pinadalhan pa ako ng larawan sa cellphone na magka-abresiyete silang naglalakad sa isang mall.
Bagong kasal lang kami at kahit isa lang siyang istambay, minahal ko siya at pinakasalan. Napakasakit na magagawa niya ito sa akin. Mag-iisang taon pa lang ako rito sa Singapore.
Hindi ako makauwi agad dahil under contract ako ng dalawang taon. Ano ang dapat kong gawin?
Cristy
Dear Cristy,
Kahit sinong tao, babae man o lalaki, ay pihong matuturete sa ganyang problema.
Pero ano ang magagawa mo para pigilan ang pagtataksil ni mister? Gaano man katindi ang love mo sa kanya ay pilitin mo siyang iwaksi sa iyong isip and move on. Putulin mo na rin ang remittance ng kita mo sa kanya. Tutal, bagong kasal lang kayo at tiyak kong wala pa kayong anak.
Siyanga pala, ang Ateneo Center for Organizational Research and Development ay nagkakaloob ng libreng counseling para sa lahat ng OFW na may iba’t ibang problema.
Puwedeng umugnay sa institusyong ito sa http://www.ofwonline.ateneo.edu. Ito ay bukas seven days a week. This website project specifically targets OFWs and their families in different parts of the world.
Dr. Love