Dear Dr. Love,
Isa po ako sa mga inmates dito sa pambansang bilangguan at kaya ako lumiham sa inyo, nais ko pong magpatulong sa malaganap ninyong column na makahanap ng isang matapat na kaibigan, isang soulmate na makakasama ko habambuhay.
Sa totoo lang, sa edad kong 38, hindi ko pa naranasan kailanman na magkaroon ng nobya at kahit na tunay na kaibigan na tapat sa akin.
Mabait naman po ako. Nabilanggo ako dahil sa maling bintang sa akin.
Natanggap ko na po ang naging kapalaran ko at idinadalangin na lang na sana, ang mga taong nagbintang sa akin ay mamulat sa katotohanan na ang isang tulad kong inosente ay ipinabilanggo nila nang walang kalaban-laban.
Elementary graduate lang po ako kaya’t pagpasensiyahan na ninyo itong liham ko. Pero tapat po sa loob ko ang mga sinasabi ko sa inyo.
Ako po ay nakikiusap sa inyo na sana’y ang pitak ninyo ang maging daan para matupad ko ang pinapangarap na magkaroon ng kaibigan kundi man ng makakasama sa buhay.
Wala po akong bisyo, mabait ako at sinasabi nga nila na mayroon daw akong Santo Cristo sa dibdib kaya mapagpakumbaba.
Ang hinahanap ko pong kaibigan o makakatuwang sa buhay sa sandaling makalaya na ako ay hindi kailangang maganda. Hindi panlabas na anyo ang importante kundi tapat at mapagkakatiwalaan.
Kahit na po biyuda, okay na sa akin basta makakasundo ko lang at nagtataglay ng magandang kalooban ng isang tunay na Kristiyano.
Sana po mailathala ninyo ang liham kong ito para matulungan ninyo ako sa aking simpleng kahilingan.
Maraming salamat po at God bless you.
Gumagalang,
Louie Bago y Montenegro
Dorm 4-D-2, Bureau of Corrections,
Muntinlupa City 1776
Dear Louie,
Talagang wala na nga pala sa kalendaryo ang edad mo. Hindi, biro lang ito para ka naman matawa.
Pero kahit 38 ka na, hindi pa naman huli ang lahat para ka makahanap ng isang tapat na makakasama mo sa buhay.
Sana nga, sa pamamagitan ng pitak na ito, magkaroon ka ng mga kaibigan sa panulat, mga bagong kakilala at malay mo, makakilala ka ng babaeng makakataling-puso mo at makakasama habambuhay.
Pagbutihin mo ang pagpapaunlad ng sarili mo kahit ka nariyan sa kulungan. Maganda ang napasukan mong bokasyon at ito ay pumailalim ka sa Bible Study.
Kung mayroon ka ring pagkakataon, ipagpatuloy mo naman ang pag-aaral mo diyan para mapaunlad mo ang kaalaman sa iba’t ibang mga bagay para sa sandaling lumaya ka na, mayroon kang magandang kuwalipikasyon sa paghahanap ng trabaho.
Hangad ng pitak na ito ang maaga mong paglaya mula sa detensiyon.
Good luck sa iyo at paghusayin mo ang pagpapanibagong tatag ng iyong buhay.
Dr. Love