Dearest Dr. Love,
Matagal mo na akong tagahanga. Magmula pa noong teenager ako, nakaugalian ko nang magbasa ng Pilipino Star NGAYON at ang paboritong column ko ay Dr. Love.
Tawagin mo na lang akong Norma, 30-anyos at may asawa’t dalawang anak. Nagsimula ang problema ko nang isilang ko ang aking ikalawang anak na ngayo’y two years-old na.
Sa hindi ko maintindihang dahilan, nanlamig ang aking mister. Laging ginagabi ng uwi at kung tatanungin ko’y sinisinghalan niya ako.
Talagang maski paano ko isipin ay hindi ko maintindihan ang nangyari sa kanya. Dati naman ay mabait siya at mapagmahal pero nang ipanganak ko ang ikalawa naming anak ay bigla na lamang siyang nagbago.
Ayoko nang mag-usisa sa kanya at baka lalong lumubha ang problema.
Ngunit sa tingin ko’y lalong lumubha ang problema dahil may pagkakataong hindi siya umuuwi ng bahay.
Ano ang gagawin ko?
Norma
Dear Norma,
Hindi puwedeng ipagwalang-bahala ang problema mo as if hindi ito nangyayari.
Kailangan ang open dialog. Mag-usap kayo para matukoy kung ano ang problema. Ipaunawa mo sa kanya na magiging unfair siya kung hindi niya sasabihin sa iyo ang pinagkakaganyan niya.
Kung may adjustment kang dapat gawin ay gawin mo alang-alang sa pagpapanatili ng inyong relasyon. Kung minsan, may mga taong secretive sa mga bagay na ayaw nila sa kanilang mga partners. Sa ganyang kaso, kailangan talaga ang mag-usisa ngunit sa paraang mahinahon.
Marahil ay may kinalolokohan siyang iba. Bilang asawa niya, karapatan mong malaman kung ano talaga ang problema kaysa magkunwaring walang problemang nangyayari.
Ang isang sikreto ng matibay na pagsasama ay komunikasyon o dialogo.
Simulan mo iyan hangga’t maaga.
Dr. Love