Dapat pa bang magmahal?

Dear Dr. Love,

Kumusta ka? Umaasa akong wala kang problema at laging pinagpapala ng Panginoon.

Ako si Alita, 37-anyos. Matandang-dalaga ako. Hindi na ako nakapag-asawa dahil sa dalawang pagkabigo ko sa pag-ibig. Ang unang boyfriend ko nung high school ay napikot at nag-asawa ng iba. Isang taon ang relasyon namin kaya napakasakit nang nangyari.

Noong nasa college ako, may manliligaw ako na sinagot ko matapos ang anim na buwang matiyagang panliligaw. Pero katulad nung una, hindi kami nagkatuluyan dahil bigla na lang siyang nawala. Kaklase ko siya at bigla na lang hindi pumasok. Nalaman ko na lang na nagtanan siya ng ibang babae.

Mula noo’y nawalan na ako ng tiwala sa mga lalaki. Marami pa akong naging manliligaw pero lahat sila’y binasted ko.

Hangga ngayo’y maraming nanliligaw sa akin. May matandang binata, may biyudo at mayroon ding mga "dirty old men." Mayroong isang binatang kasing-edad ko na nanliligaw sa akin. Parang tapat siya sa kanyang layunin pero natatakot ako.

Dapat pa ba akong magmahal?

Alita


Dear Alita,


Kung mahal mo siya at inaakala mong tapat ang kanyang layunin, walang dahilan para mo siya biguin. Ang masaklap mong mga karanasan sa pag-ibig ay ibaon mo sa limot dahil hindi lang ikaw ang dumaranas ng ganyan.

Huwag kang maging man-hater dahil lamang sa dalawang magkasunod na kabiguan. Malay mo, baka siya na nga ang lalaking karapat-dapat maging katuwang mo hanggang kamatayan.

May matandang kasabihang mabuti pa ang umibig at mabigo kaysa ganap na di umibig.

Dr. Love

Show comments