Una ay binabati kita sampu ng inyong kasamahan sa Pilipino Star Ngayon.
Lumiham po ako sa malaganap ninyong column para maibahagi sa inyong mga mambabasa ang mapait kong karanasan sa buhay.
Ako nga pala si Toto Matter, tubong Samar. Sa edad kong 29-anyos, naging malupit sa akin ang tadhana at hanggang ngayon, itinuturing kong isang bangungot ang buhay ko.
Mula nang mamulat ang aking mga mata sa bahaging ito ng mundo, kahirapan na lang ang nakita ko sa aking paligid.
Tanging pangingisda ang ikinabubuhay ng aming pamilya at hindi sapat ang kinikita dito ng aking mga magulang para tustusan ang aming pangangailangan.
Hindi ako nakatapos ng pag-aaral kahit sa mababang paaralan. Lumaki akong mangmang at salat sa maraming bagay. Halos isumpa ko ang Panginoon kung bakit pa ako binigyan ng buhay gayong puro hirap at kabiguan lang pala ang tatamuhin ko.
Hindi naglaon ay naisipan kong maghanap ng trabaho hanggang makarating ako sa Maynila. Wala akong kamag-anak ni kaibigan na maaari kong mahingan ng tulong. Tanging lakas lang ng loob ang taglay ko.
Hanggang sa isang nagmamalasakit sa akin ang nangakong tutulungan niya akong makahanap ng trabaho na ikinatuwa ko naman.
Kinabukasan din ay pinuntahan ko ang lugar na tinukoy niyang pagharapan ng aplikasyon. Pinalad naman akong matanggap sa trabaho. Hindi ko sinayang ang panahon dahil alam kong ito ang makakatulong sa aking pamilya.
Tuwing suweldo ko, nagpapadala ako sa aking mga magulang sa probinsiya. Minsan, niyaya akong maghapi-hapi ng isa sa mga tumulong sa akin at bilang pagtanaw ng utang na loob, sumama naman ako. Habang nag-iinuman kami dito sa Recto, dahil sa dami ng nainom ko, hindi ko alam na napaaway na pala ang mga kasama ko sa mga nag-iinuman sa kabilang mesa.
Nauwi sa madugong away ang insidente at isa sa mga kasama ko ang napuruhan.
Nagsitakas na ang mga nag-away at dahil ako lang ang naiwan, ako ang itinuro ng isa sa mga waiter ng club na pumatay sa aking kasamahan.
Ito ang mapait kong karanasan kung kayat narito ako ngayon sa piitan.
Nag-iisa ako. Walang dumadalaw ni isa man sa aking mga itinuturing na kaibigan.
Kaya po ngayon, nais kong humingi ng tulong sa inyo. Gusto kong magkaroon ng mga kaibigan sa panulat na uunawa at tatanggap sa akin.
Maraming salamat po at more power to you.
Toto Matter
Student Dorm 232
MSC, Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Toto,
Huwag kang mawawalan ng pag-asa sa buhay. Huwag kang bibitiw ng paniniwala sa Diyos dahil sa tulong Niya at sa pagsisikap mo, makakaahon ka rin sa kasalukuyang kalagayan.
Sana, sa matiyaga mong pag-aaral sa loob, matuto ka ng mga bagong paraan kung paano makapaghahanap-buhay sa sandaling makalaya ka na diyan.
Maniwala ka, pagkatapos ng dilim, may sisilay na liwanag at bibihisin ka ng magandang suwerte.
Salamat sa liham mo at naway magkaroon ka ng mga kaibigan sa panulat.
Dr. Love