Isa po akong bilanggo na ang hatol ay walo hanggang 14 taong pagkabilanggo sa salang homicide. Nakatatlong taon at tatlong buwan na ako dito sa loob.
Dala ng kahirapan kaya ako napadpad sa lugar na ito. Dahil mahirap lang ang nakagisnan kong pamumuhay, naisipan kong lumuwas ng Maynila. Nakapangasawa kasi ang kapatid kong babae ng taga-Makati kaya naisipan kong makipagsapalaran dito.
Isinilang po ako noong Setyembre 18, 1978. Ako po ay taga-Pangasinan at high school lang ang natapos ko sa pag-aaral.
Pinalad naman akong natanggap bilang machine operator ng isang pabrika. Matahimik naman akong nagtatrabaho at akala ko ay tuluy-tuloy na ang suwerte ko sa pabrika. Pero sa isang hindi inaasahang pagkakataon, inabangan nila ako sa dinaraanan kong lugar at tinangka sanang saksakin.
Pero naagaw ko ang patalim na hawak ng isang miyembro ng grupo at hindi sinasadyang naisaksak ito sa kanya.
Umabot ng mga taon ang paglilitis hanggang nahatulan ako ng pgkabilanggo.
Sa kabila ng lahat, ipinasa-Diyos ko na ang aking buhay. Hindi ko sinisisi ang Diyos sa nangyari sa akin. Marahil ay may maganda Siyang plano sa buhay ko kung kaya narito ako ngayon.
Hindi ako nawalan ng pag-asa sa buhay sa kabila ng pagkakakulong. Naging matibay ako para malampasan ang unos na dumating sa buhay ko. Naging masipag ako at matiyaga para mabuhay sa lugar na ito.
Kahit na iniwanan ako ng babaeng pinakamamahal ko, inunawa ko siya . Lahat ng mga bagay na hindi ko natutunan sa labas ay natutunan ko dito sa loob. Una, tiwala sa Diyos, respeto at disiplina sa kapwa at sa sarili, pangatlo, mahalin ang lahat ng taong nakapaligid sa iyo at maging kuntento sa lahat ng bagay na kaloob ng Panginoon.
Sa pangalawang pagkakataon, handa kong buksan ang pinto ng aking puso para sa babaeng tatanggapin ako at mamahalin bilang ako.
Sana po, naibigan ninyo ang kasaysayan ng buhay ko at sana rin sa pamamagitan nito ay magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat.
Lubos na gumagalang,
Lorenz V. Herrero
MSC Bldg. 2 Dorm 217,
Barber Shop Unit,
Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Lorenz,
Salamat naman na sa kabila ng pangyayaring naganap sa buhay mo, hindi mo nakalimutan ang Panginoon at bagkus pa nga ay siya mong naging gabay sa pagbabagong-buhay.
Ituloy mo ang magandang gawain sa loob at ang lahat na kabutihang natutuhan mo diyan para maging sandata sa buhay sa paglaya mo sa hinaharap.
Kalakip ng liham na ito ang pag-asa na sa pamamagitan ng pitak na ito, maraming kababaihang makikipagkaibigan sa iyo na siya mong magiging inspirasyon pa sa buhay.
Hangad ng pitak na ito ang tuluy-tuloy mo nang pagbabagong-buhay.
Dr Love