Ibang lisensiya

Dear Dr. Love,

Magandang araw po sa inyo. Sumulat po ako dahil sa aking problema sa pag-ibig. Mayroon po akong kasintahan at tawagin na lang natin siyang Mr. Security. Mahal ko po siya at ayaw kong mawala siya sa akin. Pero ang masakit, nalaman ko na nakabuntis pala siya at ikakasal na sila.

Ang masakit po nito, naisanla ko na sa kanya ang aking pagkababae. Mabuti na lang po at hindi nagbunga ang aming kapusukan.

Noon sana, niyayaya na niya akong magsama na kami. Ang sabi ko sa kanya, uuwi muna ako sa aming probinsiya at pagbabalik ko na sa Maynila kami magsasama. Pumayag naman siya.

Nitong nakabalik na ako dito sa Maynila, siya naman ang nagpatumpik-tumpik at ang sabi, may inaayos daw siyang lisensiya. Iyon pala, lisensiya ng pagpapakasal sa nabuntisan niyang babae ang inaayos niya.

Umuwi siya sa kanilang probinsiya kasama yung babae at magbabakasyon daw sila. Natukso ang lalaki at iyon, nagdadalang-tao na ang kaagaw ko sa kanyang pag-ibig. Mahal ko po ang aking boyfriend at ayaw kong mawala siya sa akin.

Please help me, Dr. Love.

Thank you and God bless.

Gemini ng Silang, Cavite


Dear Gemini,


Huwag mo nang pag-aksayahan pa ng luha ang Mr. Security mo dahil isa siyang doble-kara.

Hindi dahilan ang pagbabakasyon mo sa probinsiya para kumuha siya ng ibang babae na ngayon ay nagdadalang-tao na.

Ang isang tulad niya na madaling makalimot ay hindi na dapat pagtiwalaan pa.

Kung magpapakaloka ka, dalawa na kayong iiyak dahil hindi naman puwede na dalawa kayong pakasalan niya. Iligtas mo ang sarili mo sa mga darating pang problema.

Nagkaleksiyon ka na kaya kung pipili ka uli ng mamahalin, tiyakin mo munang mapagtitiwalaan siya bago ka magpakalulong sa pakikisama.

Natalisod ka na, matuto ka na lang tumayo sa iyong sariling mga paa. Makakatagpo ka rin ng lalaking higit na magmamahal sa iyo.

Kung makikipag-agawan ka pa sa babaeng nabuntis niya, higit lang na lalaki ang loob ni Mr. Security. Siya na nga ang nagkasala, ikaw pa ang hahabol-habol?

Dumalangin kang malimutan ang kabiguan mo at matutuhan mo ring patawarin siya.

Dr. Love

Show comments