Mananatili sa Gabinete ni PNoy

Sec. Joel Villanueva umatras sa 2013 senatorial race

MANILA, Philippines - Inihayag kahapon ni TESDA director-general Joel Villanueva na hindi siya tatakbo sa darating na 2013 senatorial race.

Sinabi ni Sec. Villa­nueva sa isang press conference sa TESDA office, nakumbinsi siya ni Pa­ngulong Benigno Aquino III na manatili na lamang sa Gabinete nito sa halip na subukang tumakbong senador sa 2013 elections.

Milyun-milyong mi­yembro ng Jesus Is Lord (JIL) at mga TESDA scho­lars ang nanghihinayang sa desisyon ni Villanueva.

“I was convinced by the President I’d be more effective if I remained in the Cabinet. I will no longer seek a senate seat,” wika pa ni Sec. Villa­nueva.

Sinabi ng Pangulo na mas kailangan si Villa­nueva sa gobyerno kaya mas nais nitong manatili siya sa Gabinete kaysa subukan ang pagtakbo sa 2013 senatorial race.

Wika pa ng source sa Palasyo, nanghihinayang si PNoy sa mga nagawa ni Sec. Villanueva sa TESDA kaya nais nitong makasama na lamang ito sa Gabinete subalit kung ‘kaya’ nitong manalo sa kabila ng mababang ran­king ay ‘papayagan’ pa din itong tumakbo.

Nilinaw naman ni Villanueva na hindi ang resulta ng surveys ang nag-udyok sa kanya upang hindi na tumuloy sa pagtakbo.

Aniya, kahit pumasok man siya sa magic 12 ng survey ay hindi ito makakaapekto sa kanyang na­ging desisyon na huwag nang tumakbo sa senatorial race dahil na rin sa pakiusap ng Pangulo na manatili siya sa Gabinete kung saan ay mas lalo itong magiging epektibo.

“Ang lubos kong pa­sasalamat sa lahat ng mga naniniwala at nagmamahal sa akin. Parang nanalo na rin po ako sa halalan dahil sa suportang ipinapakita n’yo sa akin ngayon. Umaasa po ako na magpapatuloy ito saan man ako dalhin ng kapalaran ngayon at sa susunod pang mga taon. For now, let’s not say its game over, it’s game on!,” wika pa ni Villanueva.

May milyong followers si Villanueva mula sa Jesus Is Lord (JIL) kung saan ang kanyang ama na si Bro. Eddie Villanueva ang founder nito bukod sa maraming natulungan din ng TESDA at supporters nito sa CIBAC Partylist.

Suportado din si Villanueva ng Partylist bloc sa Kamara bukod sa mga local government officials dahil sa ipinamalas nitong sipag at dedikasyon sa kanyang panunungkulan sa TESDA.

Show comments