MANILA, Philippines - Itinaas na ng Department of Health sa ‘Code Blue Alert’ ang lahat ng government hospitals at mga health facilities bunsod na rin ng walang tigil na pag-ulan sa Metro Manila at karatig lalawigan na nagiging dahilan din ng pagbaha.
Sa ilalim ng Blue Alert, ang mga medical personnel ay dapat 24-oras na naka-duty at ang mga medicine at medical supplies ay handang-handang ipamahagi sa mga apektadong residente.
Ang mga pagamutan at mga community health units naman ay dapat nakahandang tumanggap ng biglaang pagdami ng mga casualties habang ang mga DOH operation centers ay nag-o-operate naman ng 24/7 basis at masusing nag-uugnayan ang mga local government units, emergency and disaster units at ang Armed Forces para sa mas epektibong pagtugon sa mga kalamidad.