GMA isinugod sa ospital

MANILA, Philippines - Muli na namang isinugod sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) si dating pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa pananakit ng leeg dahil sa pagkain nito ng melon at karne.

Kinumpirma ni Elena Bautista-Horn, tagapagsalita ng dating pangulo na pinayuhan ng kanyang doktor sa VMMC si Arroyo na mag-bed rest muna dahil nagkaroon na naman ito ng acute cervical pain.

Dahil dito kayat hindi sigurado kung makakadalo si Arroyo sa Agosto 7 sa sesyon sa Kamara para sa botohan ng terminasyon ng debate sa House Bill 4244 o ang Reproductive Health (RH) bill dahil depende pa rin umano sa ipapayo ng doktor nito.

Bukod dito mas maganda rin umano kung sa ospital muna mananatili ang mambabatas sa halip na sa bahay dahil hindi pa rin ito nakakapag-adjust sa mga nakaabang na trabaho nito sa Kamara.

Ayon naman kay Dr. Nona Legaspi, head ng VMMC, nang isugod sa ospital noong Huwebes ng gabi si Arroyo ay mukha itong dehydrated at mahina.

Paliwanag ng doktor, may anatomic problem sa leeg ang dating pa­ngulo, dahil may nakasabay umano sa kinaing melon na piraso ng karne si Arroyo at nahirapan itong lumunok.

Dahil dito kayat mu­ling sasailalim sa therapy si Arroyo na sa halip na nakaupo ay nakahiga na lamang.

Pinagbawalan din ni Legaspi na huwag munang bumiyahe dahil ang pananakit umano ay big­la na lamang susulpot kayat dapat muna nitong magpahinga matapos na maging aktibo na naman si Arroyo ng mga nakaraang araw.

Show comments