MANILA, Philippines - Posibleng senyales ng Enterovirus-71 (EV-71) infection ang pagkakaroon ng lagnat kaya hindi dapat ipagwalang bahala.
Ayon kay Health Assistant Secretary Dr. Eric Tayag, director ng DOH-National Epidemiology Center (NEC), kung nilalagnat ang isang bata mas makabubuting dalhin kaagad ito sa pagamutan o health center sa barangay kahit wala pang nakikitang sintomas ng impeksiyon, upang maagapan.
Dapat tiyaking nabibigyan ng gamot ang pasyente at huwag hayaang tumaas ang lagnat nito.
Bukod sa lagnat, ilan pa sa mga sintomas ng EV-71 virus ay ang hirap sa paglulon, kumbulsyon, pananakit ng ulo at pananamlay.
Sa ngayon anya ay wala pang bakuna para sa Enterovirus 71 kaya’t mas mainam na maging maingat upang hindi dapuan nito.
Pinayuhan rin ni Tayag ang publiko na ugaliing maghugas ng kamay lalo na kung nagpalit ng diaper ng mga bata.
Una nang kinumpirma ng DOH na dalawang paslit ang nag-positibo sa enterovirus sa Pilipinas ngunit tinitingnan pa umano kung ang dumapong strain sa mga ito ay nakamamatay.
Matatandaan na sa Cambodia ay may 56 na paslit na ang namatay matapos tamaan ng deadly strain ng EV-71.
Ang enterovirus 71 (EV-71) ay karaniwang fatal strain ng hand, foot, and mouth disease, o HFMD, ngunit ang strain nito na tumatama sa Pilipinas ay hindi nakamamatay.