Calixto: Kaso sa Ombudsman walang basehan

MANILA, Philippines - Iginiit ni Pasay City Mayor Antonino Calixto na walang batayan at “completely unfounded” ang alegasyon kaugnay sa isinampang graft sa Office of the Ombudsman laban sa kanya, kay Vice Mayor Marlon Pesebre at sa buong konseho ng nasabing lungsod kaugnay sa diumano’y maanomalyang pagpapaupa sa Pasay City Market Mall.

Nanindigan si Calixto na ang pagbibigay ng lease contract ay legal, kapaki­pakinabang at nakatutulong sa lokal na pamaha­laan dahil bago ang pagpapaupa, ang lungsod ay nalulugi na sa pagpapatakbo ng nasabing mall. 

Ayon pa sa alkalde, ang monthly expenses ng mall ay umaabot sa P3.81M pambayad sa kuryente, tubig, aircon, escalator at building maintenance, pasweldo at umento sa mga empleyado, janitorial at security services, opera­ting expenses at capital expenditures. “Malinaw na ang koleksyon ay kulang na kulang para punuan ang gastusin ng mall,” dagdag pa nito.  

Hindi umano ikinonsidera ng mga nagdemanda ang utilities expenses ng mall.

Ayon pa sa kanya, ang nasabing pagpapaupa ay win-win situation para sa lahat dahil hindi lamang ang lungsod ang makikinabang sa lease contract, ito ay malaking tulong rin sa pag­babayad ng high maintenance at over head costs na siyang binabayaran ng naturang lungsod.

“Ang ating mga pa­ngunahing katunggali at maninira sa pulitika ay hindi na makapaghintay para sa kampanya. Lumalabas na may hindi tayo nakikitang kamay sa likod ng walang batayang kasong ito upang makakuha lamang ng political points laban sa akin,” ayon kay Calixto.

Nilinaw din ni Atty. Dennis Bernard Acorda, taga-pangasiwa ng lungsod, na ang pagbibigay ng lease contract sa Widescope Property Management ay dumaan sa masusing public bidding.

“Salungat sa maling impormasyong kumakalat, nagsagawa ang lokal na pamalahaan ng public bidding. Sa katunayan, ang mga notice ay nai-post at nailimbag. At, ang award ng kontrata sa mga nanalong bidder ay tumupad alinsunod sa batas, mga patakaran at regulasyon,” pahayag ni Acorda.

Show comments