MANILA, Philippines - Umabot na sa 12 katao ang nabaliw dahil sa matinding depresyon dulot ng bagyong Sendong kaya naman todo bantay ngayon ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa mahigit pang 25,000 evacuees sa Cagayan de Oro at Iligan na naapektuhan ng bagyo noong Disyembre 2011.
Ayon kay NDRRMC Executive Director Benito Ramos, iniiwasan nilang madagdagan pa ang insidente ng suicide matapos na maglaslas ng leeg bunga ng matinding depresyon ang evacuee na si Roy Navarro, 32.
Ginilitan ni Navarro ang sariling leeg at nagsaksak sa tiyan noong Enero 6 sa evacuation center ng City Central School sa Cagayan bunga ng kawalan ng pag-asa sa sinapit ng kanyang pamilya nang mawalan ng tahanan sa flashflood.
Sinabi ni Ramos na kumikilos na ang Department of Health at Department of Social Welfare and Development na nagsasagawa ng stress debriefing sa mga residente na nasa 53 evacuation centers pa rin sa Iligan at CDO upang mabuhayan ang mga ito ng pag-asa at hindi makaisip ng masama.
Umapela rin si Ramos sa mga evacuees na maging positibo at huwag masiraan ng loob.
Sa kasalukuyan ay 180 katao pa ang hindi pa rin natatagpuan at nasa 1,257 ang bilang ng mga nasawi