MANILA, Philippines - Hinimok ni House Deputy Speaker Lorenzo Tañada ang lahat na ibigay ang kaukulang respeto sa mga indigenous o katutubo at gawin itong sandigan ng pakikisalamuha at pakikipag-ugnayan sa kanila sa usaping pang-gobyerno.
Ayon kay Tañada, wala nang ibang hiling pa ang mga katutubong kapatid natin kundi ang bigyan sila ng kaukulang respeto bilang kapwa mamamayan at kapwa Filipino.
Wika ni Tañada sa mga mamamahayag ng Bicol Region sa pagbisita niya doon kamakailan, ang mga katutubo ay may mga tradisyon na kanilang minana sa mga ninuno at malaki ang naitutulong nito sa ating bansa.
Dahil dito, karapatdapat aniyang igalang ang mga ito.
Niliwanag nito na ang mga batas at ordinansa sa pag-aalaga sa kalikasan ay halos kailan lang ipinatupad ngunit ang mga katutubo, daan-daang taon na ang nakalilipas mula nang sinabuhay nila ang pagkalinga sa kalikasan.
Sa “Depensa Bill” na inihain ng beteranong mambabatas, nakatuon ito sa paghihikakayat sa mga LGU na gumawa ng plano na maghahanda sa kanilang komunidad laban sa naka-ambang panganib na dulot ng climate change at global warming.
Wala na tayong panahon na dapat sayangin dahil nararamdaman na natin ang unti-unting pag-init ng kapaligiran, ang mahabang tag-ulan, malawakang pagbabaha at nakadadarang na temperatura sa tag-init, babala pa ni Tañada.