MANILA, Philippines - Inanunsiyo ni Pangulong Benigno Aquino III sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) na ang napili niyang susunod na Ombudsman ay si retired Supreme Court Justice Conchita Carpio-Morales.
“Pagpasok ng bagong Ombudsman na si dating Supreme Court Justice Conchita Carpio-Morales, magkakaroon tayo ng tanod-bayan na hindi magiging tanod-bayad ng mga nagwawang-wang sa pamahalaan. Inaasahan ko nga po na sa taon na ito, masasampahan na ng kaso ang lahat ng nagkuntsabahan sa katiwalian, at naging sanhi ng situwasyong ating inabutan. Tapos na rin po ang panahon kung kailan nagsasampa ang gobyerno ng malalabnaw na kaso. Kapag tayo ang nagsampa, matibay ang ebidensya, malinaw ang testimonya, at siguradong walang lusot ang salarin,” wika pa ni Pangulong Aquino sa kanyang ikalawang SONA.
Aniya, tutok tayo na ang pagkakamit ng ganap na katarungan ay hindi natatapos sa pagsasakdal kundi sa pagkukulong ng maysala. Buo ang kumpiyansa ko na tinutupad ng DOJ ang malaki nilang bahagi upang maipiit ang mga salarin, lalo na sa mga kaso ukol sa tax evasion, drug trafficking, human trafficking, smuggling, graft and corruption, at extrajudicial killings.
“We have consistently emphasized the need to have an Ombudsman who shall act for and in the interest of the Filipino people, one who shall not let Garcias and Bolantes go scot free without answering to the people,” wika naman ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda.
Naniniwala si Pangulong Aquino na sa pag-upo ni Morales bilang bagong Ombudsman ay masasampahan ng kaso ang mga tiwali na sangkot sa mga anomalyang nabungkal ng kasalukuyang administrasyon.
“We wish Ombudsman Carpio-Morales luck, and we are confident that she will not fail to be what our people expect – a true Tanod ng Bayan,” wika Sec. Lacierda.