MANILA, Philippines - Naka-alerto na ang mga tauhan ng Human Quarantine at mga medical doctors sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminals para bantayan ang mga pasaherong pumapasok sa bansa na may taglay ng sakit na “Scarlet fever” na nararanasan ngayon sa bansang Hongkong.
Bagamat kinumpirma ni DOH-National Epidemiology Center chief Dr. Eric Tayag na posibleng makapasok o magkaroon din ng nakamamatay na “scarlet fever” sa Pilipinas, wala pa umanong naiuulat na kaso sa kasalukuyan kaya umapela siya sa lahat ng pediatrician sa bansa na agad na magreport sa DOH sakaling may maengkwentrong kaso o may sintomas ng naturang sakit.
Ang scarlet fever ay isang airborne at passive disease o nakahahawa na sinasabing ang mga tinatamaan ay mga batang may 10 taon pababa. Hindi umano nagkakaroon nito ang matatanda dahil mas malakas ang immunity nila.
Kabilang sa sintomas ang pagkakaroon ng ‘strawberry tongue’ o sobrang pamumula ng dila; mga rashes sa dibdib, braso, kamay, binti, likod, mukha at leeg, na pagkaraan ng ilang araw ay nagbabalat, paglalagnat, pananakit ng lalamunan, may magaspang na balat na parang papel de liha pantal, at pag-ubo.
Kailangan umano na gamutin ng antibiotic ang scarlet fever na ang sanhi ay ‘streptococcus bacteria’. Hindi umano ito katulad ng ibang uri ng fever na ang sanhi ay ‘virus’ na hindi kailangang inuman ng gamot.
Ugaliin ding maghugas ng kamay upang hindi mahawa dahil maari itong ilabas mula sa pag-ubo ng isang may taglay nito.
Sa pinakahuling ulat ng HK, isang 5-taong gulang na batang lalaki ang nasawi dulot ng nasabing sakit, ang ikalawang kaso ng namatay sa nasabing bansa na umabot na sa halos 500 ang tinamaan.