MANILA, Philippines - Pinayuhan ng toxic watchdog na EcoWaste Coalition ang Department of Education (DepEd) na tiyaking ligtas ang mga laruan na idu-donate ng publiko para sa mga kindergarten pupils.
Ang panawagan ng grupo ay kasunod ng programang inilunsad ni Education Secretary Armin Luistro na humihikayat sa mga mamamayan na mag-donate ng mga libro, mga educational toys at mga school supplies para magamit ng mga mag-aaral sa pagpasok ng mga ito sa kindergarten, ngayong Hunyo 6.
Payo pa ni Anthony Dizon, coordinator ng naturang environmental group, dapat munang tiyakin ng DepEd na walang harmful at toxic effect ang mga laruan sa mga bata bago tuluyang ibigay sa mga mag-aaral.
Babala ni Dizon, may mga laruan na hindi ligtas para sa mga bata dahil sa taglay na toxic substances ng mga ito. Una nang ibinunyag ng EcoWaste noong Disyembre lamang na anim sa pitong uri ng laruang plastic na nabili nila sa Divisoria at ipinasuri sa Thailand ay may taglay na ‘phthalates,’ na isang toxic plastic additive, at mapanganib sa kalusugan, lalo na sa mga bata.
Giit ng grupo, mas prone ang mga bata sa chemical at iba pang hazards dahil mas mahina ang immune system ng mga ito at madalas pang magsubo ng maruming kamay at mga laruan.