MANILA, Philippines - Pumalo sa 39.2 degrees Celsius ang antas ng temperatura noong Martes, Mayo 3, 2011 sa Cabanatuan City sa lalawigan ng Nueva Ecija.
Sa isang panayam, sinabi kahapon ni Benjie Depaz, weather forecaster ng PAGASA na ang naturang temperatura ang pinakamainit na panahong naitala ng ahensiya ngayong taong 2011.
Kaugnay nito, sinabi ni Depaz na malamang na umakyat pa ng 40 degrees Celsius ang temperatura sa ilang bahagi ng bansa ngayong summer season.
Sa Clark, Pampanga ay naitala ang 36.5 degrees Celsius na temperatura o mas mataas sa 35.0 degrees Celsius na record noong nakaraang Abril 26.
Ang Tuguegarao City sa Cagayan ay nagtala ng 39.0 degrees Celsius, habang sa Metro Manila ay umabot sa 35.6 degree Celsius ang init ng panahon.