MANILA, Philippines - Mahigpit ngayon ang ginagawang monitoring ng Department of Health (DOH) upang hindi makapasok sa bansa ang bacteria na tinatawag na ‘super, super bug’ na sinasabing hindi umano tinatablan ng anumang antibiotic na natuklasan ng mga eksperto sa New Delhi, India matapos silang magsagawa ng testing doon.
Ayon kay Dr. Eric Tayag, director ng DOH-National Epidemiology Center (NEC), dahil hindi tinatablan ng antibiotic ang naturang bacteria, kapag nakuha ito ng isang tao ay halos wala nang maibibigay na epektibong gamot dito ang mga doktor. Aniya pa, ang nasabing bacteria ay maaaring pagmulan ng ilang sakit tulad ng disinterya at cholera.
Sa ngayon ani Tayag, wala pa namang kaso ng ‘super, super bug’ na naitatala sa bansa, ngunit hindi aniya malayong makapasok rin ito sa Pilipinas dahil sa pagbibiyahe ng maraming tao.
“Minu-monitor natin, wala pa sa ating bansa, subalit it’s just a matter of time, sapagkat dahil sa travel ay maaring makalipat ito (bacteria) sa iba’t ibang bahagi ng mundo,” ayon sa kanya.
Batay sa ulat, ang bacterial strain NDM-1, na ipinangalan sa New Delhi, ay hindi hospital-born infection, kundi matatagpuan sa kapaligiran.
Nakapasok na umano ang ‘super, super bug’ sa England. Ito ay sinasabing nakita sa sugat ng isang taong bumalik sa England, matapos sumailalim sa plastic surgery sa India.
Una nang naalarma ang World Health Organization (WHO) hinggil sa umano’y pagdami ng mga sakit na drug resistant o hindi na tinatablan ng gamot.
Ang antimicrobial resistance o drug resistance, na global problem ay ang kakayahan ng mga microorganism tulad ng bacteria, viruses at mga parasite, na pigilan ang antimicrobial tulad ng antibiotics, antivirals at antimalarials na labanan ito.
Bilang resulta nito, nawawalan ng epekto ang mga standard treatments sa mga sakit, lumalala ang impeksiyon at mabilis itong makahahawa sa iba.
Ang drug resistance ay resulta umano ng maling paggamit sa antimicrobials, na nagiging dahilan ng pagdami ng bilang ng mga resistant organisms. (May ulat ni Ludy Bermudo)