MANILA, Philippines - Dinedma ng Malacañang ang “pagpapawalang-sala”ni Ombudsman Merceditas Gutierrez kay Deputy Ombudsman Emilio Gonzalez sa palpak na paghawak nito sa kaso ni Police Inspector Rolando Mendoza na bumihag ng mga turistang Intsik na mula Hongkong sa Luneta grandstand sa Maynila noong nakaraang taon.
“Bagaman sang-ayon kami na merong mga remedyo sa ilalim ng batas para kay Gonzalez tulad ng pagsasampa ng motion for reconsideration sa Office of the President (OP) o maghabol sa mataas na hukuman, dapat siyang sumunod sa OP na meron nang bias, kung wala siyang planong gamitin ang mga alternatibong ito,” sabi ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte sa isang radio interview.
Sinabi ni Valte na walang ibang mapamimilian ang Ombudsman kundi ipatupad ang desisyon ng OP.
Ipinaliwanag pa niya na hindi magkapantay ng katayuan sa pamahalaan ang Ombudsman at ang Malacañang kaya kailangang sundin ang utos ng OP na nagtatanggal kay Gonzalez sa puwesto.
Napatay si Mendoza kasama ng walo pang turista sa 11 oras na hostage-taking noong Agosto 23 ng nakaraang taon.
Nauna namang sinabi ni Gutierrez na napawalang-sala na si Gonzalez sa isang panloob na imbestigasyon. Pinal at sarado na anya ang usapin ng pananagutan ng kanyang deputado.
Pinuna naman ng Malacanang na inabot si Gonzalez ng siyam na araw sa pagdesisyon sa isang motion for reconsideration ni Mendoza gayong magagawa naman ito ng limang araw.
Inakusahan noon ni Mendoza si Gonzalez ng paghingi umano sa kanya ng P150,000 kapalit ng pag-areglo sa kanyang kaso na naging dahilan para matanggal siya sa serbisyo.
Pinabulaanan ni Gonzalez ang akusasyon.