MANILA, Philippines - Ipinag-utos ni Department of Transportation and Communications (DoTC) Secretary Jose De Jesus ang pagsasampa ng kasong administratibo at preventive suspension sa executive assistant head ni Land Transportation Office chief Virginia Torres na si Menelia Mortel kaugnay sa naging rekomendasyon ng Department of Justice dahil sa pagkakasangkot nito sa nabigong pagkubkob ng mga grupo ng negosyante sa Stradcom building noong Disyembre 9, 2010.
Ayon sa DoJ fact finding committee report, nakakuha sila ng sapat na ebidensya na nag-uugnay kay Mortel at Torres na nakipagsabwatan umano upang igiya ang grupo ng mga negosyante na pinangungunahan ni Bonifacio Sumbilla para malayang makapasok sa loob ng compound ng LTO at sa bisinidad ng Stradcom na nagresulta sa pagkakaparalisa ng buong system ng LTO sa bansa.
Ang suspensiyon ni Mortel ay may habang 90 days, ito ay upang hindi nito maimpluwensiyahan ang kasong administratibo na kanyang kinasasangkutan at upang hindi din umano nito mahilot ang mga ebidensiya laban sa kanya.
Nanatili namang LTO chief si Torres sa kabila ng mga kasong kinasasangkutan nito.