MANILA, Philippines - Pasisingawin sa kauna-unahang State of the Nation Addreess (SONA) ngayon ni Pangulong Benigno Aquino III ang mga ‘baho’ ng nakaraang administrasyon ni dating Pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.
Sinabi ni Communications Group member Sonny Coloma, hindi personal na babatikusin ni Pangulong Aquino ang dating Pangulo sa kanyang SONA ngayong alas-4 ng hapon kundi isisiwalat lamang nito ang tunay na kalagayan ng bansa.
Wika pa ni Sec. Coloma, kung hindi makikinig at hindi dadalo sa SONA si Mrs. Arroyo ay hindi ito ‘big deal” dahil hindi naman kontrolado ng Malacanang kung sino ang nais makinig sa kauna-unahang SONA ni P-Noy.
Ayon naman kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, hindi iniisip ng Pangulo kung sino ang tatamaan sa SONA bagkus ay ilalahad lamang nito ang mga natuklasang mga anomalya sa nakaraang administrasyon na naging ugat umano ng pagkaubos ng pondo ng gobyerno.
Idinagdag pa ni Sec. Lacierda, objective ang kanilang ihaharap na mga datos at walang intensyong ipahiya si Mrs. Arroyo.
Napag-alaman na hindi na rin dadalo sa SONA si Mrs. Arroyo dahil magtutungo ito sa Hong Kong upang samahan ang kanyang mister na si Jose Miguel Arroyo na magpagamot.
Dadalo lamang si Mrs. Arroyo sa pagbubukas ng sesyon ng Kamara ngayong umaga subalit hindi na ito makikinig sa SONA ni Pangulong Aquino.
Naunang sinabi ni P-Noy na naubos na ang pondo ng gobyerno na dapat sana ay magagamit ng gobyerno upang tugunan ang mga pangangailangan ng taumbayan.
Sinabi ni Aquino na halos wala na ring natirang pondo sa calamity fund kaya mapipilitan na lamang gamitin ang savings ng Kilos Asenso program upang mapaghandaan ang mga darating na kalamidad.