MANILA, Philippines - Binalaan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang lahat ng manning agency na may booth sa Rizal Park sa Maynila na itigil na ang kanilang recruitment activities sa naturang lugar upang makaiwas sa kaparusahan.
Ayon kay POEA Administrator Jennifer Manalili, noon pang Mayo ng nakaraang taon nila itinigil ang pagbibigay ng Special Recruitment Authority (SRA) sa mga nasabing manning agency dahil sa mga ulat ng malpractice.
Ang SRA ay ibinibigay ng POEA sa mga lisensyadong ahensya para makapag-recruit sila sa labas ng kanilang mga opisina.
Nabatid na ang mga nasabing booth sa Rizal Park ay nasa ilalim ng pamamahala ng Luneta Seafarers’ Welfare Foundation, Inc. (LUSWELF).
Kasabay nito ay inatasan ng POEA ang lahat ng manning agency na magsumite ng sworn statements ng lahat ng kanilang aktibidad, at ang pag-aalis ng kanilang mga signages at poster gaya ng job opening sa lugar.
Sinang-ayunan naman ni Labor Secretary Rozalinda Baldoz ang kahilingan ng POEA na ipatigil ang recruitment ng mga manning agency sa Luneta.
Ayon kay Baldoz, lubhang mapanganib ang kalagayan ng mga seaman sa Luneta dahil masyado itong lantad sa kalsada.
Anang kalihim, mas angkop na gamitin na lamang ng mga manning agency ang kanilang mga opisina para puntahan ng mga aplikante kaysa sa Luneta.