MANILA, Philippines - Nagpalabas ng health advisory ang Department of Health sa mga apektado ng pagsabog ng Bulkang Mayon upang mapangalagaan ang kalusugan ng mga residenteng naninirahan malapit dito at ang epekto ng abong ibinubuga nito.
Ayon kay Dr. Eric Ta yag, Director IV ng National Epidemiology Center ng DOH, ang taong expose sa ash fall ay posibleng magkaroon ng hika, bronchitis, sore-eyes, sakit sa balat at iba pang infection.
Upang makaiwas dito, huwag lumabas ng bahay kung hindi naman kinakailangan, magtakip ng panyong basa sa ilong, pakuluan ang tubig na iniinom at palagiang magsuot ng pantalon at may mahahabang manggas.
Iginiit ni Tayag na kailangang sundin ng publiko ang advisory ng DOH para na rin sa kanilang kalusugan upang hindi na ito makadagdag sa kanilang kalagayan sa evacuation centers.
Samantala, nagpadala na ng mga gamot ang DOH sa mga evacuation center sa Albay para gamitin ng mga evacuee na apektado ng pagputok ng bulkang Mayon.
Ayon kay DOH Secretary Francisco Duque III, inaasahan na ang mga ordinaryong sakit gaya ng sipon, lagnat, sakit sa balat, diarrhea at iba pang impeksyon sa lugar. Ilan sa mga medical supplies ay mga paracetamol, antibiotic at bakuna. (Doris Franche)