27 Pinay isinadlak sa prostitution sa UAE

MANILA, Philippines - Naalarma ang Emba­hada ng Pilipinas sa Dubai sa paglobo ng mga kaso ng human trafficking ma­tapos na umabot sa 27 Pilipina ang halos magka­kasabay na humingi ng tulong sa Philippine Overseas Labor Office makara­ang makatakas sa mala­king sindikato sa United Arab Emirates.

Mula sa nasabing bi­lang, umuwi sa Pilipinas ang may 12 babae mula sa POLO sa Dubai.

Una nang napauwi sa Manila ang may siyam na Pinay mula sa 27 kabuu­ang bilang na nasa POLO noong Nobyembre 27, 2009 at nakapagbigay na ng kanilang salaysay sa National Bureau of Investigation kabilang ang pag­bibigay ng mga pangalan ng kanilang recruiters.

Ayon sa isa sa biktima na itinago sa pangalang Shane, nagtungo siya Middle East Travel Agency para sa visit visa at ni-recruit umano siya bilang saleslady nitong Oktubre subalit isinadlak siya sa prostitution den.

Gayunman, nakatakas nitong Nobyembre 12 si Shane at humingi ng tu­long sa POLO.

Tatlo pang Pilipina na kabilang sa anim na kaba­baihang ni-recruit sa Manila bilang sales executives sa Dubai ang inilagay din sa prostitution den nang dumating sa UAE. Nakata­kas sila matapos magkun­waring sasama sa kani­-lang parokyanong kustomer.

Nalaman ng Embaha­da na ang 27 Pinay ay mag­kakasunod na dinala ng nasabing sindikato sa UAE noong Nobyembre, 2009.

Isang Bangladeshi na nakilala sa pangalang Ashraf ang sumundo ng sasakyan sa mga Pilipina mula Dubai Airport at siya ring tumulong at naging instrumento upang maba­lik sa kanila ang kanilang bagahe at pasaporte bago tumakas . (Ellen Fernando)

Show comments