MANILA, Philippines - Tuluyan ng ibinasura ng House Justice Committee ang impeachment complaint laban kay Ombudsman Merceditas Gutierrez.
Sa botong 37-5, ibinasura ang nasabing reklamo laban kay Gutierez kung saan idineklara ni committee chairman at Quezon City Rep. Matias Defensor, na ito ay “insufficient in form” and “substance”.
Sinubukan naman ni Akbayan Rep. Rissa Hontiveros-Baraquel na siyang endorser ng impeachment complaint na harangin ang nasabing botohan.
Hiniling ni Baraquel at ng mga kakampi nitong kongresista na makakuha muna ng kopya ng position paper bago tuluyang bumoto.
Ngunit ikinatuwiran ni Defensor na binibigyan lang ang bawat isang mambabatas ng isa’t kalahating oras para maibigay ang kanilang opinyon at kasunod na nito ang botohan.
Hinikayat naman ni Defensor ang mga natalong mambabatas na isulong sa plenaryo ang kanilang argumento lalo pa at naisumite na dito ang komite report. (Butch Quejada)