Lacson, atras na sa 2010 pres'l race

MANILA, Philippines - Dahil sa kakulangan umano ng pondo, hindi na tatakbong presidente sa 2010 elections si Senator Panfilo “Ping” Lacson.

Sa panayam ng ABS-CBN News kay Lacson, sinabi ng senador na ‘financial’ ang pangunahing dahilan kung bakit uma­ tras siya sa presidential race.

Aminado rin si Lacson na palagi siyang nahuhuli sa mga surveys kaya ma­hihirapan siyang makapa­ngalap ng pondo para ma­isulong ang kanyang kan­didatura.

Base sa pinakahuling survey ng Pulse Asia na ipi­nalabas kamakailan, bumaba pa ng 9 na por­siyento ang rating ni Lac­son.

Duda naman si dating Pangulong Joseph Estra­da na ang kawalan ng pondo ang totoong dahilan nang pag-atras ni Lacson.

Posible umanong may kinalaman ang pagbabalik sa bansa ni dating PNP official Cezar Mancao sa naging desisyon ni Lacson.

Sa mga naunang affidavit ni Mancao, isa si Lacson sa itinuturong mastermind sa pagpatay kina dating PR man Bubby Dacer at driver nitong si Emmanuel Corbito.

Simula nang dumating sa bansa si Mancao, na­ging mailap na sa media si Lacson at hindi nagpapa-unlak ng panayam. (Malou Escudero)

Show comments