MANILA, Philippines - Tutukuyin ng Commission on Elections (Comelec) ang mga lugar na mababa ang naitatalang voter’s registration turnout at ang dahilan nito para mabigyan agad ng solusyon.
Sinabi ni Comelec spokesman James Jimenez, gagamitin nila ang bagong voter’s registration statistics at iko-consolidate ng Education Information Division (EID) ang mga nasabing datus ng iba’t-ibang probinsya upang masukat ang magiging partisipasyon ng mga Filipino sa registration period.
Sa ngayon ay may 266,443 registered voters, nagpare-activate at nagpabago ng entries mula Dis. 2–19, 2008.
Sa nasabing bilang, naitala na mababa ang turnout sa Ilocos Sur kung saan pito lang ang nagparehistro, sumunod ang Siquijor (11), Kalinga (76) at ang Dinagat Islands (82) habang may pinakamataas na registration turnout ang Region IV-A (55,487 voters), National Capital Region (53,916), Region VII (27,522), at ang Region III (24,041).
Umaasa ang COMELEC na dadagsa pa rin ang mga botanteng magpaparehistro hanggang Disyembre 15, 2009 para makaboto sa 2010 election. (Doris Franche)