Pinarating ng Bureau of Animal and Industry (BAI) ng Department of Agiculture (DA) na walang dapat ipangamba ang mga meat lovers laluna ng karne ng baboy dahil ligtas pa ring kainin ang mga karneng baboy sa bansa ngayong papalapit ang Kapaskuhan.
Nilinaw ni BAI Director Dave Catbagan na kung pumunta man sa bansa ang mga staff ng Food and Agriculture Organization ng United Nations ay kanila itong inimbitahan upang mag-imbestiga kung paano nahawa ang mga baboy sa Ebola Reston virus, na aniya’y napatunayan naman na hindi nakakaapekto sa tao.
Bagamat ligtas sa tao, isolated na rin aniya ang mga baboy na apektado ng naturang virus sa Pangasinan, Bulacan at Nueva Ecija, kaya’t wala umanong ikakabahala ang taumbayan na bumili ng karneng baboy sa mga pamilihan.
Gayunman, pinaalala nito na kung mamimili ng karne sa mga palengke, wag kakalimutan na tingnan ang tatak ng pagkasuri ng National Meat Inspection Service (NMIS) ng DA upang makatiyak na di makakalusot ang mga double dead na karne na binebenta ng mga tiwaling magkakarne.
kailangan din anyang tingnan kung hindi mabaho, kulay pinkish ang laman, walang namumuong dugo ang mga karne ng baboy upang makaiwas sa sakit. (Angie dela Cruz)