Nakatakdang dumating sa bansa ang grupo ng mga eksperto ng sakit na “ebola reston virus” na kumalat sa ilang lugar ng babuyan sa Pilipinas mula sa Food and Agriculture Organization (FAO) ng United Nations.
Ayon sa Bureau of Animal Industry (BAI), kanilang iimbitahan ang mga ebola experts sa kanilang pag dating sa Maynila upang mag-imbestiga sa pagkalat ng ‘ebola reston virus’ sa ilang lugar sa bansa.
Bagaman muling iginiit ng BAI na ligtas pa ring kainin ang mga karneng baboy sa bansa ngayong nalalapit na Kapaskuhan, nais pa rin nilang malaman kung saan nagmula ang nasabing sakit na nakakahawa sa mga baboy at kung paano ito mapipigilan ang pagkalat.
Nilinaw ni BAI Director Dave Catbagan na bagamat napatunayan na nahawa ang mga baboy sa ebola reston virus ay hindi naman aniya ito delikado at nakakaapekto sa tao.
Kaugnay nito, mahigpit na minamatyagan ng Bureau of Customs (BOC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang pagpasok ng anumang imported meats na posibleng nagtataglay ng nasabing sakit. (Ellen Fernando)